-- Advertisements --

KALIBO, Aklan — Labis ang kalungkutan ng isang 75-anyos na lola na nagtitinda ng gulay matapos na bayaran ng pekeng pera na nagkakahalaga ng P1,000 kasabay ng market day sa merkado publiko ng Banga, Aklan.

Sa interview ng Bombo Radyo, inilahad ng biktimang si Fidelina Garcia, alyas lola Deling, residente ng Paraiso Road, Brgy. Linabuan Sur sa nasabing bayan na kakarating pa lamang niya sa kanyang pwesto at habang inaayos ang kanyang mga paninda ay nilapitan siya ng isang lalaki na bumili ng isang kilong ampalaya at dalawang mantika na nagkakahalaga lahat ng P180.

Nagbayad umano ang suspek ng isang P1,000 na papel dahilan na binigyan niya ito ng P820 na sukli.

Pero nalaman ng biktima na peke ang ibinayad sa kanya ng ipakilatis ito sa katabing vendor.

Sinabi pa ng lola na hindi niya agad napansin na peke ang ibinayad sa kanya dahil maliban na maraming tao ay mistulang ginugulo siya ng suspek.

Sa kabilang daku, upang maging ‘aware’ ang mga tao sa mga manloloko na gumagamit ng fake money, ipi-nost ng isang netizen ang nangyari sa lola na mabilis na nag-viral.

Dahil sa awa, may ilang indibidwal ang nagbigay sa kanya ng tulong pinansiyal at mga groceries.

Ikinatuwa naman ito ng biktima dahil naibalik ang kanyang puhunan at nadagdagan pa.

Habilin naman ng lola sa suspek na huwag na niyang gawin sa iba ang ginawa sa kanya, kung saan, ipinapasa-Diyos na lamang niya ang lahat.

Sa kabilang daku, paalala ng pulisya sa publiko nga magdoble ingat at maging mapanuri sa mga tinatanggap na pera lalo na ngayong panahon ng Kapaskuhan at eleksyon dahil sa paglipana ng mga pekeng pera.