KALIBO, Aklan—Hindi inalintana ng isang 74 anyos na lolo ang katandaan makapagtapos lamang ng pag-aaral.
Si Rudy Nicolas Sucgang, tubong bayan ng Batan, Aklan ay isang completer ng senior high school kung saan, inabot siya ng nasabing edad bago nakaapak sa sekondaraya.
Ibinahagi sa Bombo Radyo ni Sucgang na mas kilala sa tawag na Lolo Jao na hindi niya ikinahiya na sa kabila ng kaniyang katandaan ay bumalik pa rin ito sa pag-aaral hanggang sa napagtagumpayan ang ilang taon na pabalik-balik sa paaralan.
Isinabay ni Lolo Jao ang pag-aaral sa kaniyang pagtatrabaho upang masuportahan ang sarili at buong pamilya.
Hindi rin nakaligtas ang matanda sa mga estudyanteng bully ngunit ipinagpatuloy parin nito ang pag-aaral upang maging inspirasyon sa mga katulad niyang hindi nakapagtapos ng pag-aaral sa batang edad.
Kaugnay nito, nanawagan siya kay Department of Education Secretary at Vice President Sara Duterte na sana matulungan siya na makapag-aral pa hanggang sa kolehiyo at may kaugnayan sa agrikultura ang balak niyang kuning kurso sakaling mabigyan ng pagkakataon sa kolehiyo.
Si Lolo Jao ay dating Overseas Filipino worker at noong 2019 ay ipinagpatuloy nito ang kaniyang pag-aaral sa pangarap na makaakyat sa entablado at makatanggap ng diploma.