Nakatakdang dumating bukas (Nov. 24) dito sa Pilipinas ang 75 overseas Filipino worker mula sa Lebanon.
Ayon sa Department of Migrant Workers, inaasahang lalapag ang commercial plane na sinakyan ng mga ito, alas-otso ng umaga sa Ninoy Aquino International Airport.
Kasabay ng pagdating ng mga ito ay papalo na sa 1,191 OFW ang matagumpay na natulungang mapauwi ng Pilipinas mula nang sinimulan ang repatriation nitong buwan ng Oktobre.
Ayon sa DMW, gagawaran din ng assistance ang mga Pinoy workers pagdating nila dito sa bansa, sa tulong ng iba’t-ibang ahensiya ng pamahalaan.
Ang desisyon ng gobierno na pauwiin ang mga Pinoy worker mula sa naturang bansa ay bunsod na rin ng pangambang lalo pang lumala ang giyera sa pagitan ng Israel at grupong Hezbollah na nakabase sa Lebanon.
Nagpapatuloy din ang pag-proseso sa dokumento ng iba pang mga Pinoy na una nang nagpahayag ng kagustuhang makabalik sa Pilipinas.