-- Advertisements --

VIGAN CITY – Kahirapan ang nag-udyok sa isang senior citizen upang magtapos sa Senior High School sa strand na humanities and social sciences na with honor sa Sinait National High School dito sa lalawigan ng Ilocos Sur.

Sa panayam ng Bombo Radyo Vigan kay Conchita Yoro, 75-taong gulang, tubo mula Ormoc City, Leyte ngunit nakapag-asawa ng taga-Katipunan, Sinait, walang kakayahang ang kaniyang pamilya upang matustusan ang kaniyang pangangailangan sa pag-aaral kung gaya’t nagtrabaho siya hanggang tumungtong sa edad na disi otso ay nakipag-asawa na, na siyang dahilan upang hindi na makapagpatuloy pa.

Ngunit aniya, sa pagkamatay ng kaniyang asawa ay naisip nitong magpatuloy sa pag-aaral kahit meron na siyang walong anak at 30 na apo.
Una ng nag-enroll sa Alternative Learning System o ALS si Yoro at noong nakapagtapos ay nag-enroll siya sa high school na siyang dahilan ng kaniyang pagtatapos ngayong taon.

Iginiit nito na anumang pangangantyaw o pangungutya sa kaniya ng mga tao ay hindi ito naging hadlang sa kaniyang hangarin na makapagtapos sa pag-aaral.

Plano pa aniya na ituloy ang pag-aral hanggang matapos ang kolehiyo dahil isa sa pinagpipilian nitong kurso ay ang Cooperative Management.

Gayunman, hinihikayat niya ang mga kasing edad niya at kahit sa mga kabataan na kung may pagkakataon na naibigay sa kanila na mag-aral ay huwag sayangin upang mas maraming opurtunidad ang naghihintay sakanila.