-- Advertisements --

Kinumpirma ni PNP HPG director B/Gen. Alexander Tagum na hawak na nila ang driver ng sinitang SUV na si Reymund Zuñiga na kasama ng napatay na gunman na si Methusael Cebrian.

Una nang kinumpirma ni Tagum na mismong ang asawa ng napatay na si Cebrian na si Navy Lieutenant Senior Grade Janice Dela Cruz Cebrian ang nagtimbre sa kaniyang mga tauhan hinggil sa pagsuko ni Zuñiga.

Na-recover na rin ang sasakyang ginamit ng mga salarin sa naturang engkuwentro na unang sinita dahil sa wala itong plaka at conduction sticker.

Naihain na rin ng Cavite Provincial Police Office ang mga kasong murder at frustrated murder laban kay Zuñiga at inaasahang ilalabas na rin ang verification report mula sa PNP Firearms and Explosives Office hinggil sa ginamit na 5.56 Bush Master rifle na ginamit ni Cebrian sa pakikipagpalitan ng putok sa mga otoridad na ikinasawi ni Arcalas.

Tiniyak naman ng pamunuan ng PNP Highway Patrol Group na bibigyan ng angkop na pagkilala at karampatang tulong ang pamilya ng napatay na pulis na si Chief MSgt. Julius Arcalas.

Si Arcalas ang nasawi sa madugong engkuwentro nuong isang linggo sa Manila-Cavite City road sa lalawigan ng Cavite at ikinasugat ng dalawa pang kasamahan nila at ng isa pang sibilyan.