LEGAZPI CITY – Patay ang isang 76-anyos na lalaki sa nangyaring sunog sa tahanan nito sa Purok 1, Brgy. Ubaliw Riñas, Oas, Albay.
Pasado alas-tres ng umaga ng makatanggap ng tawag ang Bureau of Fire Protection (BFP) hinggil sa insidente kaya agad na nakipag ugnayan sa kalapit na mga fire station sa lungsod ng Ligao at Polangui sa pagresponde.
Subalit pagdating sa lugar, natagpuan ang wala nang buhay na katawan ng may-ari ng bahay na pinaniniwalaang nabagsakan ng bubong na nahulog dahil sa sunog.
Nakilala itong si Pedro Daep Silerio Jr. na isang retiradong public school teacher.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Oas Fire Marshall F/Insp. Epinito Avila, nagsimula ang sunog sa hinihigaan ng biktima na nasa likod ng garahe, na ayon sa ank ng biktima ay posibleng dahil sa nakalimutang sigarilyo ni Silerio.
Mabilis ang pagkalat ng apoy dahil sa mga nakagaraheng sasakyan, tricycle, LPG at panggatong.
Apela naman ni Avela sa publiko na mag-ingat pa rin sa sunog kahit sa gitna ng COVID-19 pandemic.