-- Advertisements --

Tumipon ng 29 points si Josh Richardson, habang kumolekta naman ng 19 points si Ben Simmons upang magupo ng Philadelphia 76ers ang bisitang Boston Celtics, 109-98.

Ito’y kahit na wala ang star player ng Philadelphia na si Joel Embiid, na sasailalim sa surgery bukas dahil sa napunit nitong litid sa kanyang kaliwang kamay.

Natamo ni Embiid ang nasabaing injury sa kalagitnaan ng kanilang laro sa Oklahoma City nitong Martes.

Dahil dito, pansalamantala munang isinalpak ni coach Brett Brown sa starting rotation si Mike Scott, kasama sina Al Horford, Tobias Harris, Richardson at Simmons.

Hindi rin nagpaawat ang mga reserves ng Sixers kung saan nagbaon ng 3-pointer si Furkan Korkmaz sa final canto upang palawigin sa 91-87 ang abanse ng Philadelphia.

Lumagig pa sa pito ang angat ng Sixers matapos ang three-point play ni Horford, na dating taga-Boston.

Bagama’t nagawang matapyasan ng Celtics ang kanilang deficit sa dalawa, nagpasabog ng 9-0 run ang Sixers upang hindi na lingunin pa ang kalaban.

Sa panig ng Celtics, humataw ng 24 points si Kemba Walker, na nagtamo naman ng sprain sa kanyang kaliwang hinlalaki.