Tumipa ng career playoff-high na 31 points si Ben Simmons, na dinagdagan ni Tobias Harris ng 29 points at 16 rebounds upang pahiyain ng Philadelphia 76ers ang Brooklyn Nets, 131-115.
Bagama’t sumabak na wala si All-Star Joel Embiid, sumandal nang husto ang 76ers kay Simmons sa ilalim; at Harris at JJ Redick sa perimeter shooting.
Bukod kay Simmons na nagtala ng 11 for 13 mula sa field, naglista rin ng perpektong 6 for 6 si Harris mula sa downtown.
Bunsod nito, inangkin ng Philadelphia ang 2-1 abante sa Game 3 ng kanilang serye ng Brooklyn.
Nabalewala naman ang tig-26 points nina D’Angelo Russell at Caris LeVert para sa Nets, na laglag sa huling dalawang laro matapos bulagain ang No. 3 seed sa kanilang opener sa Philadelphia.
Idaraos pa rin sa Brooklyn ang game 4 sa araw ng Linggo.
Samantala, binuslo ni Derrick White ang kanyang career-high na 36 points upang biguin ng San Antonio Spurs ang Denver Nuggets, 118-108, at masungkit ang 2-1 kalamangan sa kanilang first-round playoff series.
Hindi rin nagpapigil sina DeMar DeRozan na ipinasok ang 21 sa kanyang 25 points sa second half, at LaMarcus Aldridge na pumoste ng 18 points at 11 rebounds.
Kumayod ang Denver pagsapit ng second quarter kung saan mula sa 31-22 deficit ay kanila itong binaligtad sa 38-31 bentahe sa nasabing yugto.
Bumawi naman ang San Antonio sa pamamagitan ng 21-8 bomba para isara ang first half at hindi na kailanman pa lingunin ang Nuggets.
Pinamunuan naman ni Nikola Jokic ang Denver na pumoste ng 22 points, walong rebounds at pitong assists.
Sa San Antonio ulit ang Game 4, kung saan 3-0 ang Spurs kontra sa Nuggets ngayong season.
Sa iba pang laro, nagpasabog ng 38 points si Kevin Durant upang akayin ang Golden State Warriors tungo sa 132-105 dominasyon sa Los Angeles Clippers at itakas ang 2-1 abanse sa kanilang serye.
Umalalay din para sa back-to-back NBA champions si Stephen Curry na kumamada ng 21 points.
Agad na sinimulan ng Warriors ang laro sa pamamagitan ng kanilang 22-9 bomba at nagtala ng 73% shooting sa first.
Bagama’t nakakuha ng tigdalawang foul sina Durant at Curry, hindi ito naging sagabal at lumikha pa rin ang Warriors ng 19-point lead.
Hindi naman nagbunga ang 16 points ni Lou Williams, maging ang 15 nina Montrezl Harrell at JaMychal Green mula sa bench para sa Clippers, na hindi rin nakatikim ng lamang sa alinmang bahagi ng laro.