-- Advertisements --

Namuhunan sa opensa ang Philadelphia 76ers mula sa pag-uumpisa ng laro upang mairehistro ang 120-100 pagdispatsa sa Brooklyn Nets upang isara ang kanilang Eastern Conference playoff series sa limang laro.

Pinamunuan ni Joel Embiid ang 76ers tampok ang kanyang 23 points at 13 rebounds, na dinagdagan ni Ben Simmons ng 13 points.

Sinabi ni Simmons, naging pisikal daw sila sa buong laro at kinakailangan din umano nila itong mabitbit hanggang sa second round showdown nila ng Toronto Raptors.

Sa kabila ng panalo, sinabi ni Philadelphia coach Brett Brown, marami pa raw silang bigas na kakainin.

“We still have more to do. A lot more to do,” ani Brown.

Sumandal naman kay Rondae Hollis-Jefferson na tumipa ng 21 points ang Nets, na tutungo na sa offseason makaraan ang kanilang first playoff series buhat noong 2015.

“We never made a push back,” wika ni Nets coach Kenny Atkinson. “I’m surprised we didn’t come out with more grit, more fight.”