-- Advertisements --

Nakapagtala na ang Department of Health ng kabuuang 77 heat-related illness cases sa bansa mula ng Enero hanggang Abril 29 ng kasalukuyang taon sa gitna ng nararanasang mainit na panahon.

Sa 77 kaso, mayroong 7 na ang napaulat na nasawi.

Subalit sinabi ni Health Epidemiology Bureau Health Office Dr. Vito Roque Jr. sa isang Senate panel briefing na hindi matuloy kung ito nga ba ay may kinalaman sa heat stroke dahil hindi pa aniya kumpleto ang kanilang hawak na datos.

Karamihan naman ng mga napaulat na kaso ng heat-related illnesses ay sa Central Visayas, sinundan ng Soccsksargen, Ilocos Region at Calabarzon.

Sa Soccsksargen region, mayroong 6 na napaulat na nasawi habang sa Calabarzon naman ay may isang namatay.

Una ng iniulat ng DOH na mayroong 67 kaso ng heat-related illnesses sa mga estudyante, kung saan 1 ay naitala sa Ilocos region at 66 na kaso sa Central Visayas.

Kaya naman ipinapayo ng DOH na magsagawa muna ng alternative delivery modes para maiwasan ang heat-related illnesses sa mga estudyante.