KORONADAL CITY – Pahirapan sa ngayon ang paghahanap sa dalawang Pinoy na kasapi ng UNCHR security personnel sa Kabul, Afghanistan na una na umanong humingi ng tulong na ma-rescue bago pa man ang total withdrawal ng US troops sa nabanggit na bansa.
Ito ang ibinahagi sa Bombo Radyo Koronadal ni Bombo International Correspondent Joel Tungal, dating sundalo na mahigit 10 taon nang naninilbihan sa ibat-ibang lugar sa Afghanistan matapos na maging contractor ng UNCHR ang kanilang private security company na naka-base sa United Kingdom at tubong Pagadian City, Zamboanga del Sur.
Ayon kay Tungal, ang dalawang mga Pinoy na ito ay nakausap pa niya ngunit ayaw umanong ibigay ang exact location ngunit hiling na kunin umano sila sa kanilang tinutuluyan.
Kaya’t hindi rin umano maintindihan ng kanilang mga kasamahan kung ano na ang sitwasyon ng mga ito sa ngayon.
Napag-alaman na mayroong sampung (10) mga Pinoy na konektado sa UNCHR kung saan 2 sa Jalalabad, 4 sa Mazar Shariff at 4 naman sa Kabul.
Sa ngayon, nasa ligtas na lugar sa Jalalabad si Tungal kasama ang isa pang Pinoy kung saan maswerte umano siya na ginawang custodian ng mga baril ng Taliban at nakakausap niya pa ito.