Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa pagkamatay ng isang walong taong gulang na batang lalaki na hinihinalang tinamaan ng ligaw na bala sa pamamaril sa San Andres Bukid, Manila.
Ayon kay PCpt. Roel Purisima, hepe ng PCP-Dagonoy, nakikipagkuwentuhan sa harap ng barangay hall ang umano’y target ng pamamaril na si Roberto Cudal, kagawad ng Brgy. 775, Zone 84 nang pagbabarilin ito ng riding in tandem.
Dinala sa ospital si Cudal at ang katabi nitong si Romeo Nicolas na tinamaan din ng bala.
Habang sa dibdib tinamaan ng ligaw na bala ang batang lalaki, na naisugod din sa ospital ngunit nasawi kinalaunan.
Sa pahayag ng mga testigo, dawit umano sa transaksyon ng iligal na droga ang kagawad at mga anak nito.
Kasalukuyan pang inaalam ng PNP ang motibo sa krimen.