-- Advertisements --

Nasa ligtas nang kalagayan ang walong taong gulang na bata sa Zamboanga del Sur matapos matunton ng kanyang guro kasunod ng ilang araw nang pagliban sa klase.

Nabatid na hindi uma-absent sa klase si alyas Claire kaya nagtaka ang guro nito at tuluyan siyang pinuntahan sa bahay partikular sa bayan ng Tukuran.

Dito na nabunyag ang matinding sinapit ng bata kung saan nalapnos ang mga tuhod nito matapos daw paluhurin ng kanyang ina sa “embers.”

June 24 pa nangyari ang insidente kasabay ng Feast of St. John the Baptist pero nitong Biyernes lang nadiskobre ng guro.

Kuwento ni Claire sa Inquirer, inakala ng kanyang ina na hindi siya pumasok sa klase matapos umuwi na walang dalang bag.

Gayunman, na-lock pala sa classroom ang bag matapos itong iwan ni Claire upang makiisa sa pista ng San Juan kung saan patok ang basaan ng tubig.

Samantala, ayon kay Tukuran Vice Mayor Delfina Cortina, ipinatawag na ng barangay council ang mga magulang na bata na sinasabing nakagawian na ang pisikal na pananakit kahit sa iba pa nilang anak.

Wala pa namang ipinatupad na aksyon ang local social welfare and development hinggil sa insidente.

Sa ngayon ay nasa pangangalaga muna ng kanyang lolo at lola si Claire habang nasa poder pa rin ng mga magulang ang apat na kapatid.