-- Advertisements --

Arestado ang walong lalaki na diumano’y sangkot sa iligal na cross-refilling ng liquefied petroleum gas (LPG) sa Caloocan City, ayon sa Philippine National Police – Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) nitong Linggo.

Sa isang pahayag, ibinalita ng PNP-CIDG na nahuli ang mga suspek noong Biyernes sa bisa ng isang search warrant. Kung saan narekober ng mga awtoridad ang 38 na walang laman na cylinders, 42 na puno ng cylinders, apat na sasakyan, timbangan, mga hose na bahagi ng kagamitan, refilling pumps, compressor, at isang bullet tank, na may tinatayang kabuuang halaga na P25,000,000.

Kinasuhan ang mga suspek ng iligal na cross-filling pati na rin ang paggawa, pamamahagi, refilling, o pagbebenta ng mga LPG cylinder na may tatak o pangalan nang walang pahintulot mula sa may-ari ng kumpanya, na labag sa LPG Industry Regulation Act.

Iniulat din ng PNP-CIDG na patuloy ang paghahanap sa limang iba pang suspek na sangkot sa iligal na operasyon.

Ang pagkaka-aresto ay nangyari kasunod ng pagtaas ng presyo ng LPG ng P0.70 kada kilo ngayong Pebrero, matapos ang rollback na ipinatupad noong nakaraang buwan.

Patuloy ang babala ng mga awtoridad laban sa mga iligal na aktibidad na ito na naglalagay sa panganib, kaligtasan ng publiko at integridad ng industriya ng LPG.