LEGAZPI CITY – Bagsak sa kulungan ang walong katao matapos na maaktuhang nasa hindi otorisadong sabong sa bayan ng Castilla, Sorsogon.
Inaresto sina Emmanuel Timola, 54; Julius Fajardo, 55; Michael Lovino, 45; Ryan Lita, 35; Dionisio Marinas, 46; Francisco Alba, 47; Antonio Alano, 51 at Romeo Lozano, 38 na pawang residente ng naturang bayan.
Ayon kay P/Maj. Nicolas Malipot Jr., hepe ng Castilla PNP, bunga ng masigasig na kampanya laban sa iligal na aktibidad ang pagkakadakip sa mga ito.
Narekober rin ang tatlong pansabong na manok, P400 na bet money at ilan pang gambling paraphernalia.
Samantala, tiniyak naman ng hepe na magpapatuloy ang paghabol sa mga sangkot sa iligal na aktibidad sa gitna ng pag-obserba sa mga Mahal na Araw.
Mahigpit na ipinagbabawal ng batas partikular na sa Presidential Decree 449 ang pagsasagawa ng pasabong tuwing Huwebes at Biyernes Santo at iba pang mahalagang okasyon ng bansa.