NAGA CITY – Sugatan ang walong bakasyunista matapos na mahulog sa bangin ang sinasakyang fortuner sa Presentacion,Camarines Sur.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Regina Bea ang Municipal Disaster Risk Reduction and Management Officer (MDRRMO) ng Presentacion, sinabi nitong binabaybay ng Toyota fortuner ang Sitio Angkulan, Barangay Sta. Maria ng nasabing bayan ng mangyari ang aksidente.
Lulan umano nito ang dalawang senior citizen, limang mga nasa tamang edad na at isang 13-anyos na menor de edad.
Ayon kay Bea, galing umano sa island hoping sa isla ng Caramoan ang mga biktima at pauwi na sana sa bayan ng Tinambac.
Posible umanong inantok ang di pa matukoy na driver ng sasakyan dahil wala umano ito sa tamang linya ng kalsada bago mahulog sa 20 metrong lalim ng bangin.
Tulong tulong naman nagresponde ang mga MDRRMO mula sa Goa, Lagonoy, Sagnay, Edmero kabilang rin ang PNP at BFP para makuha ang mga biktima.
Agad naman aniyang dinala sa pagamutan ang mga biktima kung saan tatlo umano dito ang kritikal ang kalagayan.