NAGA CITY – Nagpapagaling pa sa ngayon ang walong bakasyunista na nasugatan matapos mahulog sa bangin ang sinasakyang Fortuner sa Presentacion, Camarines Sur.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Regina Bea, Municipal Disaster Risk Reduction and Management Officer (MDRRMO)- Presentacion, sinabi nitong habang binabaybay ng Toyota Fortuner ang kahabaan ng kalsada sa Sitio Angkulan, Barangay Sta. Maria nang aksidenteng mahulog sa halos 20 metrong lalim na bangin ang naturang sasakyan.
Pinaniniwalaang nakatulog ang driver ng sasakyan ng mangyari ang aksidente.
Sakay ng fortuner ang magkakapamilyang sina Allan Pacardo, 65; Lourdes Pacardo, 61; Edna Berlego, 52; Elmer Pacardo, 47; Arlene Pacardo; Angelica San Pedro, 25; Ace Pacardo, 21 at isang 14-anyos.
Ayon kay Bea, mula sa island hoping sa isla ng Caramoan ang mga biktima at pauwi na sana sa bayan ng Tinambac ng mangyari ang aksidente.
Kaugnay nito, agad na itinakbo sa ospital ang mga biktima ng mga rumespondeng rescuers.