-- Advertisements --

KORONADAL CITY – Nasa walong bayan sa probinsiya ng South Cotabato ang patuloy na minomonitor ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) dahil sa patuloy na pagbuhos ng malakas na ulan.

Ito ang inihayag ni PDRRMO Rolly Aquino sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal.

Ngunit ayon kay Aquino, portion lamang sa mga bayan na ito ang apektado o ilang mga barangay na nasa flash flood at landslide prone areas.

Kabilang sa mga lugar na ito ay mga bayan ng Tampakan, Lake Sebu, Norala, Sto. Nino, Banga, Tupi, Tboli at lungsod ng Koronadal.

May mga halos 200 mga pamilya din ang nananatili pa ngayon sa evacuation center sa Barangay Lampitak, Tampakan South Cotabato at may mga apektado din sa bayan ng Banga na nabigyan na ng ayuda.

Kaugnay nito, nananawagan si Aquino sa lahat na maging alerto at vigilante lalo na sa mga nakatira sa gilid ng ilog at paanan ng bundok.