Apektado ng red tide ang walong baybayin sa bansa, batay sa Shellfish Bulletin No. 26 na inilabas ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources.
Kinabibilangan ito ng mga baybayin ng Dumanquillas Bay sa Zamboanga del Sur; karagatan ng Daram Island, Zumarraga Island, at Irong-Irong Bay sa Western Samar; Carigara Bay sa Leyte Island, Tungawan sa Zamboanga Sibugay Province; Biliran Island sa Biliran Province; at Lianga Bay sa Surigao del Sur.
Mapanganib ang pagkain ng shellfish at mga alamang na nakukuha sa mga naturang karagatan dahil sa red tide toxin na banta sa kalusugan ng publiko.
Gayunpaman, ang iba pang lamang dagat tulad ng mga isda ay maaaring lutuin at kainin basta’t nalinisan at naluto ng maayos ang mga ito.
Samantala, nagnegatibo na rin sa red tide ang ilang mga baybayin tulad ng Maqueda at Cambatutay Bays sa Samar at Matarinao Bay sa Eastern Samar.
Ang mga ito ay dating nagpositibo sa red tide batay sa nakalipas na bulletin ng BFAR.