CENTRAL MINDANAO – Walong mga terorista ang nagbalik loob sa gobyerno sa lalawigan ng Maguindanao.
Ang grupo ay pinangunahan ni Kumander Ibrahim Guno ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) sa ilalim ng Karialan faction.
Isinuko ng walong BIFF ang mga matataas na uri ng armas, pampasabog, mga sangkap sa paggawa ng bomba, mga improvised explosive device (IED) mga bala at mga magazine.
Sumuko ang mga terorista sa ginawang negosasyon ni Datu Saudi Ampatuan Maguindanao Mayor Resty Sindatok, mga lider ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) at 57th Infantry Battalion Philippine Army.
Sinabi ni Kumander Guno na sila ay sumuko dahil pagod na sila sa pakikibaka laban sa gobyerno at gusto na nilang mamuhay ng mapayapa.
Tumanggap naman ng pinansyal na tulong at livelihood assistance ang walong BIFF mula sa lokal na pamahalaan ng Datu Saudi Ampatuan, Maguindanao.
Hinikayat ni 6th Infantry (Kampilan) Division chief, Major General Diosdado Carreon ang ibang BIFF at mga kaalyado nitong terorista na sumuko na at magbagong buhay.