-- Advertisements --

Inihain na ang kasong murder laban sa suspek na nanagasa sa Filipino street festival sa Vancouver, Canada na ikinasawi ng 11 katao.

Kinasuhan ng British Columbia Prosecution Service ang suspek na si Kai-Ji Adam, 30 anyos, residente ng Vancouver, nang walong bilang ng second degree murder at posibleng madagdagan pa ang kaniyang kinakaharap na kaso.

Humarap ang suspek sa korte at nananatiling nasa kustodiya ng local authorities ayon sa prosecutors.

Nauna naman ng isinantabi ng mga imbestigador ang posibilidad ng terorismo sa malagim na trahediya.

Una rito, dose-dosena din ang nasugatan sa insidente kung saan ilan sa kanila ay kritikal ang kondisyon. Sa ngayon hindi pa inilalabas ng mga awtoridad ang mga pangalan ng mga biktima.

Base sa imbestigasyon ng mga awtoridad, pumasok ang isang lalaking nagmamaneho ng kaniyang black SUV sa may filipino street pasado alas-8:00 ng gabi noong Sabado, Abril 26 at sinagasaan ang mga taong dumalo sa Lapu-Lapu day festival. Agad namang naaresto ang suspek na ayon sa police ay mayroon umanong mental health issues.

Nangyari naman ang trahediya dalawang araw bago ang federal election ngayong araw, Abril 28.