BAGUIO CITY – Pinag-ibayo pa ang mahigpit na pagpapatupad ng mga otoridad sa rehiyon Cordillera sa kampanya ng pamahalaan laban sa iligal na droga.
Dahil dito, nakilala ang Cordillera region bilang may pinakamababang bilang ng mga barangay na apektado o may impluwensia ng iligal na droga.
Batay sa report ni PNP Directorate for Operations chief Major General Ma-o Aplasca, aabot lamang sa 73 o 6.2 percent sa kabuuang 1,177 barangays ng Cordillera ang drug-affected.
Gayunman, sinabi ni PNP spokesman Col. Bernard Banac na hindi pa pinal ang nasabing report at kailangang maikumpara sa record ng PDEA na siyang lead agency sa anti-illegal drugs campaign ng pamahalaan.
Samantala, idineklara ng Cordillera Regional Oversight Committee na drug-cleared na ang walong barangays sa Baguio City matapos makapasa ang mga ito sa parameters na batayan para madeklarang drug-cleared ang isang barangay na apektado ng iligal na droga.
Natanggap na rin ng mga nasabing barangay ang approved resolution na nagdedeklarang drug-cleared ang kanilang mga barangay.
Batay sa record ng nasabing committee, drug-cleared barangays na ang Aurora Hill, Lopez Jaena, Cabinet Hill, Engineer’s Hill, Burnham-Legarda, BGH Compound, Upper Market Subdivision at New Lucban.