GENERAL SANTOS CITY – Iniimbestigahan ng Bureau of Immigration and Deportation (BID) ang walong Chinese national na nasa kustodiya ng General Santos City Police Office.
Ito’y matapos maaktuhang nagti-treasure hunting malapit sa baybayin ng Barangay Pinol, Maitum, Sarangani .
Kinilala lamang ang mga ito na sina Chua, Lau, Chan, Chin, Chang, Wang, Zhwaang at Chang, na nasa Pendatun Police Station sa GenSan.
Unang tumawag nitong nakalipas na Abril 3 sa Coast Guard GenSan si Lt. Eduardo Baliguat ng Naval Forces Eastern Mindanao Operation center at sinabi na hinuli ng Coast Guard Maitum ang Chinese Barge Dungfu 881 lulan ang walong dayuhan.
Naabutan umanong sina-salvage ng mga dayuhan ang mga bakal galing sa lumubog na Japanese vessel noong World War ll (WW2) sa lugar.
Maliban sa walang permit, wala ring pinaghahawakang passport ang mga suspek kaya sila ay dinakip.
Ang Chinese registered barge na Dungfu 881 ay dinala na sa Maco, Compostela Valley sa nagdaang araw habang pinoproseso naman ng BID ang pag-turnover sa mga Tsino sa Bureau of Immigration main office.