CAUAYAN CITY- Inirekomenda ng Regional Task Force to End Local Communist Armed Conflict o RTF-ELCAC ang walong former rebels na nagbalik loob sa pamahalaan na mabigyan ng amnestiya.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Capt. Rigor Pamittan, chief ng Division Public Affairs Office o DPAO ng 5th Infantry Division, Philippine Army na ang walong former rebels ay inirekomenda ng NTF-ELCAC Region 2 na bigyan ng amnestiya sa pamamagitan ng National Amnesty Program.
Sasailalim sila sa deliberasyon sa pamamagitan ng National Amnesty Commision.
Aniya, sng hakbang na ito ng NTF-ELCAC Region 2 ay bilang paghahanda sa pagiging epektibo ng Proclamation 1093 na magbibigay ng amnestiya sa mga former rebels.
Ang hakbang na ito ay may layong mahikayat pa ang mas maraming miyembro ng teroristang NPA na magbalik loob sa pamahalaan dahil ang pagbibigay ng amnestiya sa mga former rebels ay mapapawalang bisa ang mga kaso na naisampa sa kanila.
Batay sa nakasaad sa Proclamation 1093, dapat ang mga mairerekomenda na former rebels ay may nakahaing kaso bago maging epektibo ang Proclamation 1093.
Ayon kay Capt. Pamittan, ang walong former rebels ay katuwang ng 5th ID sa pagsugpo ng insurhensiya sa lambak ng Cagayan.
Bukod naman sa walong former rebels ay mayroon pang anim sa Cordillera Region kaya sa kabuuan ay labing apat sila sa nasasakupan ng 5th Infantry Division.