BAGUIO CITY – Aabot na sa kabuuang 35 ang kaso ng mga nagpositibo sa COVID-19 sa Cordillera Region matapos maitala ang 10 bagong kaso sa Baguio City at isa sa Ifugao ngayong araw.
Apat sa mga bagong kaso ng Baguio ay pawang mga health workers ng Baguio General Hospital and Medical Center, habang dalawa ay overseas Filipino workers (OFWs) galing US, kasama pa ang isang eight-day old baby.
Sa ngayon, nasa stable condition ang mga ito bagama’t naka-confine sila sa ibat-ibang ospital sa rehiyon.
Ipinag-utos na rin ni Mayor Benjamin Magalong ang pag-lockdown sa Santo Tomas Proper, BGH Compound, San Luis, Sector 5 ng Dominican-Mirador at Woodsgate Subdivision ng Camp 7 kung saan nakatira ang mga bagong kaso ng COVID-19 sa Baguio.
Sa ngayon, nagpapatuloy ang medical interventions sa mga pasyente, contract tracing, quarantine at disinfection activities para mapigilan ang lalo pang pagkalat ng nakamamatay na virus.
Naitala naman ang kauna-unahang kaso ng Ifugao na isang 65-anyos na lalaki.
Batay sa datus ng DOH-Cordillera, naitala ang 25 kaso ng positibong COVID sa Baguio City, 6 sa Benguet, 3 sa Abra at 1 sa Ifugao.