VIGAN CITY – Naniniwala ang isang batikang boxing analyst na magiging “very good test” para kay Sen. Manny Pacquiao ang nalalapit nilang pagtutuos ni Keith Thurman.
Ayon kay Quinito Henson sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Vigan, masusubok ang kakayahan ni Pacquiao kontra sa mas batang si Thurman, na siyang may hawak ng WBA “super” welterweight title.
Bagama’t hindi aniya masyadong impresibo ang ipinakita ng 30-year-old American boxer sa huli nitong tatlong laban, sinabi ni Henson na siguradong “all-out” ang ibubuhos ng undefeated boxer sa bakbakan nila ng 40-year-old Pinoy ring icon.
Batid din daw ni Pacman na kahit medyo nangalawang si Thurman sa huli nitong laban, isa itong “tactician” na maaaring maglatag ng patibong sa kanya.
Base rin umano sa huling anim na laban ni Thurman, kapansin-pansin ayon kay Henson na tinatablan na ang undefeated American boxer ng mga body shots, maliban pa sa mistulang pagbagal ng kilos nito sa ibabaw ng lona.
Paliwanag pa ni Henson, kahit na maging 110% ready pa ang Amerikano sa kanyang laban, paghahandaan naman ito nang husto ng fighting senator at sasalagin ang anumang ibabato sa kanya ni Thurman.