Mismong si 2021 Miss Universe Philippines Beatrice Luigi Gomez ay nanawagan ng tulong partikular para sa mga kababayan nito sa Cebu na biktima ng hagupit ng Bagyong Odette.
Nabatid na dalawang araw pa lamang mula nang makabalik sa bansa ang 26-year-old Cebuana beauty matapos ang Top 5 finish sa 70th Miss Universe coronation sa Israel.
Kaya naman kinansela muna ng pamunuan ng Miss Universe Philippines ang mga media interviews at iba pang aktibidad kaugnay ng homecoming ni Gomez.
Ayon kay Beatrice, nagpapasalamat siya sa mga rescuer dahil ligtas na ang kanyang pamilya mula sa pagkaka-trap sa kasagsagan ng bagyo bagama’t labis na napinsala ang tinutuluyang apartment.
Hindi raw niya akalain na ang masayang video call nila ng kanyang kapatid at ina ay mapapalitan ng lungkot nang unti-unting mawala ang signal hanggang sa marinig nito ang pagkatakot ng pamilya.
“I was on FaceTime with my sister and mama when the storm was just about to hit,” kuwento ng marines reservist.
“It only took minutes from a happy conversation to shift into a ghastly phone call as I heard them struggle the entire night,” dagdag nito.
Sa ngayon ay focus muna ng atensyon ng beauty queen/athlete ang kanyang pamilya na agad daw niyang pupuntahan sa Cebu kapag natapos na ang quarantine sa hotel sa Pasay.
Wala pa namang “say” ang team nito hinggil sa pinaplanong motorcade bilang grand homecoming niya sa Cebu.