-- Advertisements --

GENERAL SANTOS CITY – Kinumpirma mismo ni 8 Division world boxing champion at dating senador Manny Pacquiao ang kagustuhan nitong maging isa sa kumatawan sa Pilipinas para sa Olympics.

Sa panayam ng Bombo Radyo Gensan sa kaniya, ipinaliwanag nito na pangarap na niya simula pa noong bata na makakalaro sa Olympics.

Nabatid na determinado si Pacquiao na lumahok sa 2024 Paris Olympics at nakipag-usap na ito sa Philippine Olympic Committee (POC).

Ibinunyag din ng POC na nagsumite na sila ng formal letter sa International Olympic Committee (IOC) hinggil sa eligibility o paraan upang makasali ang eight-division world champion sa naturang laro.

Isa sa mga tiningnan na paraan ay ang “universality rule” na nagpapahintulot sa isang atleta mula sa isang bansa o rehiyon na lumahok kahit na hindi niya naabot ang mga pamantayang kwalipikasyon batay sa partikular na pamantayan, kabilang ang performance at commitment.

Ang iba pang paraan ay ang makipagkumpetensya sa Olympic qualifying tournament na mangyayari sa huling quarter sa susunod na taon.
Ngunit para kay Pacquiao, handa siyang sumailalim kahit saan sa naturang mga paraan.

Nabatid na ang sikat na boksingero ay 44 taong gulang na habang ang maximum age limit upang makapasok sa Olympic qualifiers ay 40 taong gulang.

Sa likod nito, tiwala pa rin si Pacquiao na matupad ang kanyang hiling na lumahok.