LEGAZPI CITY – Kinumpirma ng Albay Provincial Health Office (PHO) na walong empleyado ng isang malaking mall sa Legazpi City ang nagpositibo sa isinagawang rapid test.
Subalit nilinaw ni Albay PHO head Dr. Antonio Ludovice sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Legazpi na kailangan pa ring sumailalim ng mga ito sa confirmatory test sa Bicol Regional Diagnostic and Reference Laboratory.
Paliwanag ni Ludovice, nabatid na anim sa mga ito ang nakitaan ng Immunoglobulin G (IgG) at dalawa ang may Immunoglobulin M (IgM) antibodies.
Aniya, ang mga may IgM antibodies ay nangangahulugan na recent infection pa lamang sa virus kaya’t kailangan ng isolation habang ang may IgG antibodies ay nagkasakit subalit fully-recovered na.
Pinawi naman ni Legazpi City Mayor Noel Rosal ang pangamba ng publiko dahil antibodies lamang umano ang nadi-detect sa naturang test habang batid na hindi 100% accurate ang inilalabas na resulta nito.
Hihintayin na lamang umano ang opisyal na confirmatory test mula sa Department of Health (DOH) habang naka-isolate na rin ang mga ito sa quarantine facility habang isa ang nasa home quarantine.