-- Advertisements --

Kinumpirma ng Philippine Navy na namataan ang nasa walo pang barko na escorts ng Chinese aircraft carrier na Shandong sa may Northern Luzon.

Ayon sa Hukbong Dagat ng Pilipinas, nasa anim pang barkong pandigma ang na-monitor at dalawang support vessels.

Iniulat naman ni Navy spokesperson for the WPS, Rear Admiral Roy Vincent Trinidad na unang naispatan ang 9 na barko sa 300 nautical miles hilagang-kanluran ng Burgos sa Ilocos Norte at huling namataan sa may Cagayan noong araw ng Miyerkules, Abril 23.

Aniya, ito ang isa sa pinakamalaki o kakaibang formations na kanilang na-monitor.

Patuloy naman aniya nilang sinubaybayan ang mga barko ng China hanggang sa halos makarating ang mga ito sa may hangganan ng ating exclusive economic zone (EEZ) sa may kanlurang bahagi ng Cagayan noong gabi ng Miyerkules.

Matatandaan, nauna ng kinumpirma ni Navy spokesperson Capt. John Percie Alcos ang presensiya ng Chinese aircraft carrier at Type 815A Chinese electronic surveillance ship.

Ayon kay Rear Adm. Trinidad, iniuri ang naturang surveillance ship bilang isang support vessel.

Nang matanong naman ang Navy official kung may kinalaman ang presensiya ng Chinese vessels sa isinasagawang Balikatan exercise, sinabi ni Trinidad na hindi sila naguugnay o nagbibigay ng kahulugan hinggil sa naturang usapin kundi ang kanila aniyang ginagawa ay sinusubaybayan at china-challenge ang mga barko ng China at tumutugon kung kinakailangan.