Target ng wushu team ng Pilipinas na humakot ng walong mga gintong medalya sa nakatakda nilang kampanya sa palapit nang 2019 Southeast Asian (SEA) Games na idaraos dito sa bansa.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Wushu Federation of the Philippines secretary-general Julian Camacho, sisikapin nilang higitan ang nag-iisang gintong medalya na kanilang nadagit noong 2017 SEA Games na ginawa sa Malaysia.
Muling sasandal ang koponan ng wushu kay Asian Games bronze medalist at SEA Games champion Agatha Wong, at kay two-time gold medal winner Daniel Parantac.
Isa pa sa inaasahan aniya nila na magbubulsa ng ginto mula sa kanilang hanay ay ang Asian Games bronze medaliust na si Divine Wally sa larangan ng sanda o sparring.
Ayon kay Camacho, bagama’t may kaunting pressure silang nararamdaman, sigurado raw silang magagamit nila nang husto ang homecourt advantage sa torneyo.
Sa nagyon, puspusan ang pagsasanay ng koponan dalawang buwan bago mag-umpisa ang regional sports meet.