Tiniyak ng Presidential Management Staff at ng Hatid Tulong Program lead convenor Asec. Joseph Encabo na inaasikaso na nila ang walo hanggang siyam na mga locally stranded individuals (LSIs) na nagpositibo sa COVID rapid test na isinagawa sa Rizal Memorial Stadium sa Maynila.
Ayon kay Encabo, nasa isolation na ang mga ito o sa quarantine center upang muling sumailalim sa RT-PCR test para sa kaukulang kumpirmasyon.
Gayundin ang assessment ng DOH sa kalusugan ng mga ito.
Una nang nakunan ng Bombo Radyo sa video nitong nakalipas na weekend ang libu-libong mga LSI na nagnanais na makauwi ng probinsiya ang dikit-dikit na nakapuwesto sa mga bleachers dahil sa hindi na magkasya sa lugar.
Idinepensa naman ni Encabo ang pangyayari dahil mas maigi na raw ito kaysa maulanan sila at walang nag-aasikaso sa dating puwesto ng mga ito doon sa Quirino Grandstand.
Humingi rin ito ng unawa sa publiko sa naging kalagayan ng mga nagnanais makabalik ng probinsiya.
Hindi rin daw nila inaasahan ang pagbuhos ng mga LSIs na umabot ng mahigit sa 8,000.