-- Advertisements --

(Update) Mahaharap sa kasong syndicated estafa ang walong Israeli nationals at 482 na Pinoy na naaresto sa isinagawang operasyon ng Philippine National Police Anti-Cyber Crime Group (PNP-ACG) sa Clark Free Zone, Pampanga.

Sangkot ang mga suspek sa multi-billion dollars investment scam kung saan target ng mga ito ang mga banyaga mula sa iba’t ibang bansa sa buong mundo.

Ayon kay PNP-ACG director C/Supt. Marni Marcos Jr., nag-ugat ang kanilang operasyon sa reklamo ng apat na Australian victims na sina Jhan Theresa Bedgood, Robert Wayne Smith, Juningsih Welford, at South African Barend Nicholas Prinsloo.

Inakusahan ng mga ito ang mga Israeli na sina Gal Manobla, Natali Grin, Ishay Shaulov, Noa Hofman, na sinasabing nagpapatakbo ng International Branding Development Marketing Inc. sa lugar.

Modus ng grupo na hikayatin ang kanilang mga biktima na mag-invest sa kanilang kompanya sa pangako na lalo pang lalago ang kanilang mga pera.

Kuwento ng isa sa mga biktima na humarapsa Camp Crame, pinaniwala siya sa bitcoin na kikita ang kanyang investment na 107,000 Australian dollars.

Pinag-download daw siya ng form na kanya namang sinagutan, na ginamit din kinalaunan para ma-access ang kanyang personal information.

Dito na nawalan ng kontrol ang biktima sa kanyang account dahil gumagamit pala ng team viewer na application ang mga suspek.

Sa ikinasang operation ng ACG kahapon ng umaga, naaktuhan ang mga suspek na nakikipag-transaksiyon online sa kanilang mga kliyente sa Europe, New Zealand, Australia, Africa, Russia at South Africa.

Nakuha rin sa kanila ang mga digital evidence na naglalaman ng kanilang mga transaksiyon.

Sa ngayon ay nakikipag-ugnayan na ang PNP sa Bureau of Immigration para alamin kung paano sila nakapasok sa bansa.

Dagdag pa ni Marcos, kanilang nadiskubre na walang business permit at hindi nagbabayad ng tax sa pamahalaan ang nasabing kompanya.

Ngunit ilan sa mga dating empleyado ang tumiwalag na matapos umanong nakonsensiya at siyang nakipag-ugnayan sa mga biktima at ipinagtapat na biktima sila ng scam.