-- Advertisements --

Inanunsyo ng Bureau of Immigration ang pagpapadeport sa walong Japanese national na naunang naaresto dahil sa kanilang pagkakasangkot sa mga scam operation.

Sinabi ni BI Commissioner Norman Tansingco na ang walo ay naaresto noong Pebrero 11, 2020 sa isang resort sa Sitio Lilian, Famy Laguna ng mga operatiba ng fugitive search unit (FSU) ng BI sa pamamagitan ng joint operation kasama ang National Bureau of Investigation Laguna District Office .

Natagpuan sa lugar ang maraming mga telepono at script, na ginagamit nila sa panloloko sa kanilang mga biktima.

Sinasabi ng mga ulat na ang walo ay sangkot sa isang scam na nagta-target sa mga Japanese national.

Marami sa kanilang mga biktima, ayon sa mga ulat, ay mga retiradong senior citizen.

Milyun-milyong Piso umano ang nakuha ng sindikato sa kanilang pakana na hindi bababa sa tatlong taon na tumatakbo at nag ooperate ..

Bagama’t naniniwala ang mga awtoridad na ang walo ay hindi konektado sa Luffy gang, sinasabing sila ay nagpapatakbo ng katulad na modus na pinupuntirya ang mga matatandang Hapon.

Sumakay ang mga ito sa flight papuntang Narita sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 1 nitong Martes.

Kasunod ng kanilang deportasyon, ang kanilang mga pangalan ay kasama sa blacklist ng BI, na epektibong humahadlang sa kanila sa muling pagpasok sa bansa.