Nakapagsumite na ang 8 kandidato ng kanilang mga aplikasyon para maging parte ng board of directors ng Maharlika Investment Corporation (MIC) ayon kay Budget Secretary Amenah Pangandaman.
Ang naturang korporasyon kasi ang isyang naatasan na mamahala sa kauna-unahang state sovereign fund ng Pilipinas na Maharlika Investment Fund na gagamitin para mag-invest sa malalaking proyekto, real state at financial instruments.
Ayon kay Sec. Pangandaman, nakatakdang isumite ang mga rekomendasyo sa mga mamahala sa MIF kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Lunes, Oktubre 2.
Aniya, mayroong tatlo na nagsumite ng aplikasyon para sa posisyon ng presidente at CEO ng MIC subalit maaaring mayroon pang ibang aplikasyon na naibigay pagkatapos na mabigyan siya ng update.
Ang anim na kandidatong irerekomenda sa Pangulo ay kabilang ang MIC president at CEO, 2 regular directors at 3 independent directors.
Kahapon, Setyembre 27 ang deadline para sa nasabing aplikasyon.
Una ng sinabi ni Finance Secretary Benjamin Diokno na magiging operational ang MIF sa unang bahagi ng 2024.