(Update) BACOLOD CITY – Nakatanggap umano ng impormasyon ang Negros Occidental Police Provincial Office na pagsabotahe sa malaking aktibidad sa Escalante City ang layunin ng pitong mga lalaki at isang babae na nahuli sa checkpoint operation sa Barangay Jonob-jonob kung saan maraming mga armas, bala, at mga eksplosibo ang nakuha sa kanila nitong Miyerkules ng hapon.
Sa press conference na isinagawa ni NOPPO director Police Col. Romeo Baleros, nanindigan itong mga miyembro ng Komiteng Rehiyong Negros ang walong nahuli.
Ito ay kinabibilangan nina Kenneth Serondo ng Sitio Magtuod, Brgy Bug-ang, Toboso; at Clint Mangayon ng Brgy. Jonobjonob, Escalante City.
Arestado rin ang mga spokesperson ng National Federation of Sugarcane Workers na si Joel Guillero ng Brgy. Libertad, Escalante City; at Leon Charito ng Brgy. San Isidro, Toboso; at miyembro din ng NFSW na si Buenvinido Ducay ng Brgy Libertad, Escalante City.
Huli rin ang provincial vice president ng Kadamay Negros na si Aiza Gamao ng Brgy. Balintawak, Escalante City; at dalawang kabataan na sina Jonathan Alcosiva ng Brgy. Washington, Escalante City; at isang 17-anyos na lalaki na residente din ng Barangay Washington.
Nakuha sa ito ang anim na caliber 45; isang caliber 38; isang KG-9; tatlong rifle grenade; dalawang botelya ng improvised dynamite at 21 improvised petrol bomb at mga bala.
Ayon kay Baleros, mismo ang mga rebel returnees ang nagbigay ng impormasyon sa pulis at militar ukol sa plano ng mga arestado na isabotahe ang mass oath taking ng mga dating rebelde sa gym ng Escalante City bukas, kasabay ng anibersaryo ng Escalante Massacre kaya’t hinigpitan ang border patrol.