Aabot sa 8 katao ang nasawi sa malawakang flashfloods sa Seoul, South Korea na nagresulta rin sa pagkawala ng kuryente at pagkakaroon ng forced evacuation ayon sa mga awtoridad.
Base rin sa naging pag-uulat ng interior and safety ministry ng bansa, tatlo sa naiulat na bilang ng patay sa insidente ay nakulong sa binahang basement ng isang gusali, habang siyam naman ang nasugatan at anim na katao ang nawawala pa.
Tumaas raw sa 422 millimeters (16 inches) ang lebel ng tubig sa kasagsagan ng pag-ulan kung saan ay itinaas rin sa level 3 ang emergency alert sa lungsod. Umabot raw sa 141.5 millimeters (5.57 inches) of rain per hour ang kanilang naitalang datos.
Sa ilang bahagi ng Seoul, may mga ilang subway stations ang pansamantalang tumigil sa operasyon dahil nga sa pagbaha.
Samantala, ang timog na bahagi ng Han river ay nagkaroon rin ng matinding pinsala. Pati na rin ang ilang mga bahagi ng Gangnam district ay naapektuhan ng nasabing flashflood.
Nasa humigit-kumulang 800 residente ang lumikas at nanatili muna sa mga paaralan, at mga gymnasiums dahil aabot rin sa 741 na mga kabahayan at mga shops ang lubhang nabaha.
Nakikiramay naman si South Korean President Yoon Suk Yeol, kung saan binaggit rin nito na magsasagawa sila ng on-site inspection upang maiwasan ang mas maraming danyos sa ganitong uri ng sakuna.