NAGA CITY – Labis na nagdadalamhati ngayon ang pamilya ng walong katao na binawian ng buhay sa nangyaring banggaan ng isang truck at van sa Barangay Sto. Cristo, Sariaya, Quezon.
Maaalala, alas-5:30 ng umaga kahapon, Agosto 18, 2024 ng maganap ang nasabing insidente na kumitil sa walong katao kasama na ang isang dalawang taong gulang na bata at pagkasugat naman ng pitong iba pa kasama na ang driver ng truck.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay PLt.Col. Carlo Caceres, Chief of Police ng Sariaya Municipal Police Station, sinabi nito na pabalik na sana sa Metro Manila ang van na mayroong 14 sakay mula sa Bicol habang patungo naman sa Bicol Region ang truck upang magdeliver ng mga produkto ng mangyari ang aksidente.
Ayon aniya sa pahayag ng driver ng truck kinain ng van ang linya nito dahilan upang diretso itong makabangga sa kaniyang minamanehong sasakyan.
Ayon pa kay Caceres, posibleng nakatulog ang driver ng nasabing van dahilan upang mawalan ito ng kontrol sa minamaneho nitong sasakyan na nagresulta sa pagkamatay at pagkasugat ng mga sakay nito maging ng driver ng truck.
Samantala, ayon naman sa kapatid ng driver ng van, natulog pa umano ang kanyang kapatid sa bahagi ng Gumaca, Quezon dahil sa sobrang pagod at antok ngunit posibleng muli itong nakatulog habang nagbabyahe.
Mahaharap naman sa kasong Reckless Imprudence resulting to multiple homicide, physical injuries and damage to property ang driver ng truck.
Sa ngayon, hinihintay pa ng mga awtoridad na makapag-usap ang magkabilang panig upang pag-usapan ang magigin desisyon sa pangyayari habang patuloy pang nagpapagaling sa pagamutan ang mga nasugatan na biktima.
Paalala na lamang ni Caceres sa mga byahero na hindi lamang ang mga sasakyan ang dapat na ikondisyon kung hindi maging ang mga sarili upang maiwasan ang mga ganitong klase ng aksidente.