-- Advertisements --

Aksidenteng naihulog ng isang South Korean fighter jet ang mga bomba sa isang civilian area sa kasagsagan ng live-fire military exercises ngayong Huwebes, Marso 6 sa Pocheon, South Korea, na ikinasugat ng 8 katao.

Sa isang statement, sinabi ng SoKor air force, aksidenteng napakawalan ng KF-16 fighter jet ang MK-82 bombs sa labas ng isang firing range na nagdulot ng mga pinsala.

Ang naturang fighter jet ay nakikibahagi sa joint live-firing drills ng air force kasama ang army.

Ayon sa Pocheon disaster response center, 6 na sibilyan at 2 sundalo ang nasugatan na ginagamot na sa mga ospital. Nasa seryosong kondisyon naman ang 4 sa nasugatan na pawang mga sibilyan kung saan 2 dito ay dayuhan, isang Thai habang ang isa ay mula sa Myanmar.

Nagresulta din ang insidente sa pagkasira ng 3 kabahayan, isang Catholic church at isang greenhouse subalit hindi naman aniya direktang tumama sa mga ito ang mga bomba.

Humingi naman ng tawad ang air force sa insidente at nangakong magbibigay ng kompensasyon at kaukulang mga hakbang sa nangyari.

Bubuo din ang air force ng committee na mag-iimbestiga sa dahilan ng aksidente at susuriin ang lawak ng idinulot nitong pinsala.

Nauna ng kinumpirma ng South Korea defense ministry nitong umaga ng Huwebes na nagsasagawa ang US at SoKor ng kauna-unahang joint live-fire exercises sa Pocheon na may kaugnayan sa taunang military drills na magsisimula sa susunod na linggo.