Tinatayaang umaabot na P100 million ang halaga ng pinsala sa agrikultura dahil sa nararanasang El Niño phenomenon.
Iniulat ngayon ni Engineer Christopher Morales, ang chief ng Department of Agriculture Field Program Operational Planning Division, kabilang daw sa mga nasirang pananim ay palay na umabot na sa inisyal na 10 million metric tons kasama ang mais.
Gayunman ayon kay Morales, “under validation” pa ang naturang inilabas nilang data.
Una rito nasa 71 mga probinsiya ang tinututukan ng Department of Agriculture (DA) dahil sa direktang epekto ng tagtuyot.
Gayunman may mga assesment umano na may mga lugar na “moderate” lamang ang pinsala.
Sa ngayon walong mga probinsiya na ang tinamaan na malaki ang epekto sa mga pananim.
Kabilang sa mga ito ay ang Cotabato, Maguindanao, Occidental Mindoro, ang tatlong lalawigan sa Zamboanga, gayundin ang Davao del Sur at Misamis Oriental.
Liban dito meron pang mga lugar na nag-ulat na rin ng pinsala dahil sa tagtuyot.