Walo pang local government units (LGUs) ang sumang-ayon na isama ang kanilang sistema sa Business Name Registration System (BNRS) ng Department of Trade and Industry.
Ayon sa DTI, mayroon ng 10 ang kabuuang bilang ng mga LGU na naka-link sa system, na may mas maraming inaasahang lalahok sa mga susunod na buwan.
Ang walong LGU ay Bislig sa Surigao del Sur, Butuan sa Agusan del Norte, Balanga sa Bataan, Bacolod sa Negros Occidental, Guiguinto sa Bulacan, Baguio sa Benguet, San Pedro sa Laguna, at Carmona sa Cavite.
Ang Paranaque at Quezon City ang unang dalawang nakipag-integrate sa naturang system.
Pinasalamatan ni Trade Secretary Alfredo Pascual ang 8 LGUs, na tinanggap ang kanilang alok para sa system integration.
Makakatulong aniya ito na mapabilis ang aplikasyon ng business permit sa local level.
Dagdag pa ni Pascual, maaalis at mapipigilan din ng Business Name Registration System ang paglaganap ng mga pekeng sertipiko ng DTI at pagbutihin ang kadalian ng pagnenegosyo sa iba’t ibang bahagi ng bansa.