Labingwalong miyembro ng Philippine Marines ang makikibahagi sa Rim of the Pacific (RIMPAC) Exercise 2024 sa Hawaii Islands at Southern California, USA.
Ayon kay Marines Public Affairs Office Chief Captain Marites Alamil, makakasama ng mga Pilipino ang mga miyembro ng United States Marine Forces Pacific (USMARFORPAC) at iba pang marines at naval infantry sa naturang exercise.
Ang Rim of the Pacific ay ang pinakamalaking international maritime exercise kung saan nagsasama-sama ang mga military forces mula sa iba’t-ibang mga bansa.
Ayon pa kay Alamil, dinisensyo ang naturang simulation upang mapalakas ang operational effectiveness ng mga nasyon na kabahagi ito, kasama na ang interoperability at mutual understanding sa bawat kalahok na sundalo.
Ayon naman kay Philippine Marine Corps Commandant Major General Arturo Rojas, ang partisipasyon ng Philippine Marines sa RIMPAC 2024 ay nagpapakita sa dedikasyon at pagiging propesyunal ng mga miyembro nito.
Ikinukunsidera aniya nila bilang isang karangalan na makasama ang mga kaalyadong bansa ng Pilipinas at kapwa sasailalim sa iba’t ibang military training.
Isa sa mga pangunahing layunin ng RIMPAC ay ang mapatatag at maipalaganap ang malaya at ligtas na Indo-Pacific region.