-- Advertisements --

sulu2

Boluntaryong sumuko sa militar sa probinsiya ng Sulu ang walong miyembro ng teroristang Abu Sayyaf sa ilalim ng grupo ni ASG leader Mundi Sawadjaan.

Ito ay sa kabila ng pinakalas na ground operatios ng Joint Task Force Sulu sa kabundukan ng Patikul at Indanan laban sa grupo ni Mundi.

Ayon kay JTF Sulu spokesperson Lt. Col. Ronaldo Mateo, sumuko ang walong ASG members kay Col. Antonio Bautista Jr., commander ng 1101st Brigade kaninang alas-2:00 ng hapon.

Natakot umano ang mga nasabing bandido na baka sila ay maipit sa labanan sa mga pwersa ng pamahalaan.

Patuloy ang ginagawang pagtugis ng militar sa grupo ni Sawadjaan at ASG leader Radulan Sahiron na on the run sa ngayon matapos makubkob ng militar ang kanilang kuta sa Indanan, Sulu kahapon.

Kinilala ni Mateo ang walong sumukong bandido na sina Abdul Jihili, Abu Yusop, Sahira Sahibul, Ali Jumsa, Piedo Jumahari, Mujib Jainal, Abdul Abubakar at Ila Abbas na mga residente ng Patikul, Indanan, Parang at Maimbung.

Ayon kay Lt Col. Businos, commanding Officer ng 2nd SFB na ang mga surrenderees ay nagdesisyon tumiwalag sa grupo ni Sawadjaan at Sahiron dahil sumuko sa otoridad ang kanilang sub-leader na si Idang Susukan sa Davao City.

Siniguro naman ni JTF Sulu commander B/Gen. William Gonzales na hindi titigil ang kanilang focused military operations hanggat hindi nahuhuli si Mundi Sawadjaan at Radulan Sahiron.

Pinuri naman ni Gonzales ang effort ng mga sundalo na naging dahilan sa pagsuko ng walong bandido.