LEGAZPI CITY – Tumangging lumikas ang isang pamilya sa Barangay Mi-si sa bayan ng Daraga, Albay dahil sa nakatakdang libing ng isang 3-anyos na sanggol na kamag-anak ng mga ito.
Dahil dito, tanging ang walong buwang buntis lamang na si Cindy Naag ang nasa evacuation center matapos ipatupad ng lokal na pamahalaan ang preemptive evacuation dahil sa banta ng bagyong Tisoy.
Kuwento nito sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi na bukas na ang nakatakdang libing ng naturang bata kaya hindi na muna lumikas ang mga ito.
Dagdag pa ni Naag na sanay na siya sa evacuation center dahil madalas silang ilikas tuwing may kalamidad.
Dati na rin umano siyang nanganak sa evacuation center sa kasagsagan ng pag-aalbuturo ng bulkang Mayon noong 2014.
Katunayan, bukas umano siyang pangalanang ‘Tisoy’ ang kanilang magiging anak bilang pag-alala sa pinangangambahang sama ng panahon.