ILOILO CITY – Patay ang walong mga rebelde sa nangyaring engkwentro sa pagitan ng militar sa Barangay Alimodias, Miag-ao, Iloilo.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Brig. Gen. Marion Sison, commander ng 301st Infantry Brigade ng Philippine Army, sinabi nito na posibleng madagdagan pa ang bilang ng casualties dahil nagpapatuloy pa ang operasyon sa lugar.
Ayon kay Sison, gumamit ang tropa ng gobyerno ng artillery, land at air assets upang matunton ang tinatayang 70 mga rebelde na nagsagawa ng pang-aatake bago ang 53rd founding anniversary ng Communist Party of the Philippines sa Disyembre 26.
Sinasabing mga kasapi ng Southern Front at iba pang miyembro at regional officers ng Komiteng Rehiyon-Panay ang pinaniniwalaang nakasagupa ng militar.