CENTRAL MINDANAO – Nagbalik-loob sa gobyerno ang walong mga miyembro ng New Peoples Army (NPA) sa probinsya ng Sultan Kudarat.
Ang walong NPA ay pinangunahan ni Kumander Dandan ng Platoon My Phone ng East Daguma Front South Regional Command – Daguma, Far South Mindanao Region.
Sumuko ang mga rebelde sa Charlie Company ng 7th Infantry Battalion Philippine Army sa pamumuno ni 1Lt. Jemarel Mokasim sa Barangay Saniag, Bagumbayan, Sultan Kudarat.
Dala ng mga rebelde sa kanilang pagsuko ang walong matataas na uri ng armas, mga bala at magasin.
Pormal namang tinanggap ang mga rebelde nina 7th IB commander Lt Col Romel Valencia at Bagumbayan Mayor Jonallete de Pedro.
Nakatanggap naman ng cash at livelihood assistance ang mga NPA mula sa LGU-Bagumbayan.
Nagpasalamat si 6th Infantry (Kampilan) Division chief at Joint Task Force Central commander M/Gen Juvymax Uy sa mga tumulong sa negosasyon sa pagsuko sa walong NPA.
Hinikayat ni Uy ang ibang mga NPA na nagtatago sa kabundukan na sumuko na at mamuhay ng mapayapa.