-- Advertisements --

Agarang tinanggal sa puwesto ang walong opisyal at tauhan ng Port Management Office sa Bohol dahil sa pag-iinuman sa opisina.

Sinabi ni Philippine Ports Authority (PPA) General Manager Jay Santiago na nakita sa CCTV ang ginawang party at pag-iinuman ng mga ito sa loob ng knailang multi-purpose hall nitong Agosto 16.

Kabilang aniya sa mga sinibak sa puwesto ay sina Acting Port Manager ng Bohol na si Tyrone Agaton na siyang nagdiwang ng kaniyang kaarawan sa araw na nabanggit, PMO-Bohol Services Division Manager Julius Jumangit gayundin sina Atty. Sherlito Columnas Jr. ng Legal Department, Safety Officer Atty. Romeo Cabading II at mga Port Police na sina Edcel Epan, Victor Cagulada, Mary Maricka Aguirre, Meljann Oronan, at Emily Ross Tubio.

Sa inisyal kasi na imbestigasyon ay nakitang ginamit ang ilang mga kagamitan sa opisina para sa personal na pagdiriwang.

Giit ni Santiago na isang uri ng pang-aabuso ang ginawa ng mga opisyal na ginagamit ang pasilidad ng gobyerno na nakalaan sana sa pagbibigay serbisyo sa taumbayan.