Walo pang mga arrivals mula sa South Africa kung saan natuklasan ang pinakaunang kaso ng Omicron variant ng COVID-19 na dumating sa Pilipinas noong Nobiyembre 15 hanggang 29 ang tinutunton ng Department of Health (DOH) kasabay ng nagpapatuloy na contact tracing.
Ayon kay Health department spokesperson Maria Rosario Vergeire, natukoy na ang 80 mga biyahero mula sa South Africa kung saan nasa 77 dito ang returning Filipinos at 3 ang foreign nationals habang nagpapatuloy ang verification sa 165 pang arrivals.
Iniulat ni Vergeire na nagnegatibo sa COVID-19 ang apat na travelers na muling na-swab test .
Nilinaw din ni Vergeire na sa lahat ng samples na sinuri sa latest genome sequencing ay walang na-detect na omicron variant kundi karamihan sa na-detect ay ang Delta variant.
Inaasahang lalabas naman ang resulta ng genome sequencing sa mga arrivals mula South Africa na nagpositibo sa COVID-19 sa araw ng Miyerkules, Disyembre 8.
Mayroon ding 12 samples mula sa mga returning overseas Filipinos na sinusuri ng Philippine Genome Center.