Posibleng magdeklara ng dengue outbreak ang nasa 8 pang lugar sa bansa sa gitna ng pagtaas ng mga kaso sa mga nakalipas na linggo ayon sa Department of Health (DOH).
Nauna na ngang nagdeklara noong Sabado ang Quezon city ng dengue outbreak matapos lumobo ang bilang ng mga dinadapuan ng sakit at kumitil na ng 10 katao ngayong taon kung saan kabilang sa nasawi ay 8 menor de edad.
Samantala, hindi naman tinukoy ni Health spokesperson ASec. Albert Domingo ang 8 pang lugar na nakatakdang magdeklara ng dengue outbreak subalit ang mga ito aniya ay nasa Metro Manila, Central Luzon at CALABARZON.
Sa datos ng DOH, naobserbahan ang pagtaas ng kaso ng dengue sa buong bansa ngayong taon na nasa 28,234 cases base sa data noong Pebrero 1, ito ay 40% na pagtaas mula sa parehong panahon noong 2024.
Paliwanag ni ASec. Domingo na kahit walang ulan sa mga nakalipas na araw, ang mga stagnant water na naipon sa mga nakalipas na weather systems ay pinamugaran ng mga lamok na nagdadala ng sakit na dengue.
Kayat upang maiwasan ang sakit, kailangang linisin ang ating paligid at alisin ang mga stagnant na tubig, gumamit ng mosquito repellent at magsuot ng mga damit na may mahabang manggas at pantalon.