-- Advertisements --

BAGUIO CITY – Patay ang walo katao habang sugatan ang walong iba pa matapos mahulog sa bangin ang sinakyang dilaw na dump truck sa Sitio Binongsay, Malin -awa, Tabuk City, Kalinga, Sabado ng umaga.

Nakilala ang mga nasawi na sina Rufina Gaano, Kim Gallema, Crisanta Casirayan, Rosita Mangagom, Edmund Mangagom, Doming Matalang, Jules Alvester at si Edoc Gaspar.

Samantala, sugatan naman sina Stalion Mangagom, Divine Mangagom, Rosalino Salida, Iluminada Gallamoy, Geronimo Galamto at si Cecilia Balagui.

Naitakbo pa ang mga pasahero sa provincial hospital at Almora General Hospital, samantalang ang iba pa sa ospital sa Tuguegarao City.

Sa pagresponde ng Bureau of Fire and Protection (BFP)-Kalinga, Kalinga Provincial Office at Emergency Medical Services, kinumirma nila na aabot sa 40 ang pasahero ang nakasakay sa nabanggit na dump truck at papunta sana sila sa Barangay Balawag para dumalo sa “Posipos” na isang tradisyonal na aktibidad sa nasabing lugar.

Ngunit nang nakarating ang mga ito sa pinangyarihan ng insidente, partikular sa paakyat na bahagi, bigla itong tumigil at umatras dahil sa kabiguang mag-shift gear ang driver na si John Lazaro, 20, na nagresulta ng pagkahulog ng sasakyan sa tinatayang limang metrong lalim na bangin

Ayon naman sa mga nakakita, sinubukan ng isang lalake na maglagay ng kalso pero nabigo ito.

Ilan din sa mga pasahero ang tumalon habang ang iba ay inihagis pa ang mga bata para mailigtas sa nahuhulog na sasakyan.

Sa ngayon nagpapatuloy pa rin ang imbestigasyon ng Kalinga Provincial Police Office sa nangyaring insidente.